Ang mansiyon mo'y maluwang na lansangan
Araw man o gabi nagsisilbi mong kanlungan
Ang kama mo ay matigas na higaan
Malamig na sahig tagos sa iyong likuran.
Sa kahabaan ng hi-way ikaw ang boss
Walang pagod sa iyong pamamalimos
Paghinabol ng pulis daig pa ang palos
Si ben tambling sa iyo ay nalaos.
Marumi mong damit tila isang kapa
Ng haring sa palasyo niyay tiningala
Pinangingilagan ng lahat ng madla
Ngunit wala namang sapin sa paa.
Hapunan mo'y kahit iisang putahe
Basta may nakahaing supot na rugby
Para ka na ding kumain sa jalibi
Utak namay nalulusaw unti-unti.
Dahil sa mapanghamong uri ng buhay
Kailangan mong sumugal at makisabay
Isang paa mo'y nakabaon na sa hukay
Itataya lahat para lang mabuhay.
Marahil hindi mo yan sadyang ginusto
Ang maging palaboy sa lahat ng kanto
Buhay na masalimuot at delubyo
Kahinaan mo ay siyang inabuso.
Napuno ng pait ang iyong kamusmusan
Namulat sa krimen bubot mong isipan
Kaya ano na ang magiging kinabukasan
Malamig na rehas,ang siyang hantungan?
No comments:
Post a Comment