Wednesday, September 7, 2011


Namatay na lahat ng pag-asang inaasam-asam
Nalinaw na din pati na mga agam-agam
Masakit man sa dibdib at kahit patuloy na nagdaramdam
Bigkas ng bibig, isang bulong na "paalam"..

Masakit mang tanggaping hindi mo na mahal
Para ko natikman ang higit sa sanlibong sampal
Ngunit kung ito na ang paraan ng Poong Maykapal
Na ako'y magising sa aking pagkahangal.

Sa aking pananahimik ayoko nang manumbat
Sapat na sa akin ang sabihin mo lahat
Amining hindi mo na mahal, matapang na pagtatapat
Kahit sa puso ko'y nag-iwan ng malalim na sugat.

Alam kong masaya ka na at hindi ka na guguluhin
Upang ang buhay ko ay magpatuloy na rin
Sugat sa dibdib,isa lang aking hiling
Sa Diyos pagdating ng panahon nawa'y hilumin.


              Bawat hakbang ko'y katumbas ng iyong kaligayahan... :(
 

Ambisyosang Makata



Ako'y hindi propesyunal na makata
Di rin kasing galing ni makatang gala
Lalong hindi nais magpsikat sa madla
"outlet" lang po ito ng abang manunula.

Aking emosyon ay idinadaan lang sa sining
Sa aking mga tula,sinasalamin ay damdamin
Ng pilat sa pusong mahirap arukin
Dulot ng nakaraang nais nang limutin.


Ang abang manunulat ay isang talunan
Kaya't pait na dinanas ay dinaan na lang sa tulaan
Hindi intensyong ako'y hangaan
Kundi nais lang dalahin ay gumaan.

Sa mga natutuwa, salamat po sa inyo
Sa pagtangkilik sa tulang pinapanday ko
Gayon din naman sa mga nagtataas ng noo
Pakumbabang salamat, alay pa rin ng puso.

Hilumin Mo


Pagkawala niya'y isang malaking hamon
Muling tumindig at nangangarap bumangon
Mula sa sakit sarili'y nais iahon
Sugat ng nakaraan malimot nawa ng panahon.

Hindi kayang tagalan sakit na dinaramdam
Paghilom ng sugat laging inaasam-asam
Doon sa altar,Siya lang ang tanging may alam
Lahat ng lungkot kailan mapaparam.

Oh Diyos ko,ako'y iyong pakinggan
Hilumin Mo,itong pusong sugatan
Punasan Mo din itong pusong luhaan
Upang di na umiyak magpakailanman

Sa bingit ng dusa'y yakapin Mo ng mahigpit
Daluhan Mo ko sa gitna ng paggibik
Sa lahat ng ito'y Ikaw ang aking bukambibig
Pagkat anak Mong Siya mong iniibig.

Paalam,.Mahal naming Kaibigan...


Ang paglisan mo ay isang malaking dagok
Sa pamilya,kaibigan,estudyante’t na ngayo’y nalulungkot
Na tigib ng luha, at damdami’y masalimuot
dito sa aming puso’y mayroong kirot.

Hindi matatawaran ating pinagsamahan
Doon sa Malinta,unang naging tagpuan
Paaralang naghubog sa ating pagkakaibigan
Kapatid,kapamilya ang naging turingan.

Naisip ko pa nga,magkaibigan hanggang sa huli
Hanggang sa tumanda,buhok ma’y pumuti
Magsasama sa lahat ng oras,sa lungkot man o ngiti
Hindi mag-iiwanan,magkasamang lagi.

                                                                             

Ngunit hindi sinasadyang maaga mo kaming nilisan
Hindi ka man lang namin nayakap ng lubusan
Oh di kaya’y napisil at kamay mo’y nahawakan
Hindi rin nasabing “mahal ka namin,kaibigan”

Sa iyong paglisan baunin nawa aming mga dasal
Kapayapaan mo’y hiling namin sa Poong Maykapal
Hindi ka malilimot pagkat lagi ka naming mahal
Hindi kukupas ganu man katagal…

Paalam na sa ‘yo butihin naming kaibigan
Magkikita kita pa rin tayo doon sa walang hanggan
Sa piling ng Poon na siya mong magiging kanlungan
Ng iyong kaluluwang hihimlay sa Kanyang kapayapaan.

Pagbawalan Ang Puso



Hindi nga ba minsan nang naransan ang sakit?
Dulot ng masaklap at mapait na pag-ibig
Na sa puso mo'y malalim an inukit
Ipinutong sa 'yo tila isang libong tinik!

Dahil sa pagkabigo takot nang muling magmahal
Natikman ng puso ang manamlay at mapagal
Paghilom ng sugat ay laging inuuusal
Doon sa kawalan hinintay mo ng kaytagal.

Pagbawalan ang pusong 'wag nang umasa
Huwag nang maghintay,huwag nang ding  magtiwala
Sa pagmamahal na nagbabalatkayong mukha
Baka mabigo lang at ika'y muling  lumuha.

Tuesday, September 6, 2011

SINO ANG HINIHINTAY NI POKNAT?



                                                               Ano kyang meron sa mga tula ni poknat?
Sa kanyang mga gawa na kanyang sinusulat
Tinipon sa titik sa puso’y nagbubuhat
Habang nakaupo doon sa tabing dagat.

Ano nga bang meron sa kanyang mga tula?
Sa bawat saknong, sa bawat salita
Tila nababalot ng kung anong hiwaga
Kaya niyang hipuin puso ng madla.
 

Ngunit sino nga ba ang nasa likod ng lahat?
Tulang pinapanday ay puno ng pangungulila’t pangarap
Sino itong nagsisilbi niyang matibay na kalasag
Pinaghuhugutan ng inspirasyon,gabay nya’t liwanag.

San kaya niya hahanapin kanyang hinihintay
Hindi kaya siya mapagod sa kanyang pag-aantabay
Baka naman yaong mahal puso’y sa iba na inaalay
Lahat ng pagtitiis nya’y mawalan ng saysay.

Sa kanyang mga tula kami’y napapaisip
Sinong mahal ang lage niyang bukambibig
Hindi matatawaran taglay niyang dakilang pag-ibig
Sa kanyang pinakamamahal,inukit na sa dibdib.

Dakilang Ina


Pano ba kita pasasalamatan aking inang mahal?
Na nagtanim sa akin ng magagandang asal
Biyaya ka sa akin ng Poong Maykapal
Dito sa mundo ako' y iyong niluwal.

Hindi masukat ang tuwa ninyo ni itay
No'ng una akong makita ngiti ay sumilay
Tuwa at saya ay sadyang walang kapantay
Samahan ninyo'y lalo pang tumibay.

Sa gitna ng hatinggabi lagi mong nilalambing
Hinahaplos mo ko habang tulog na nahihimbing
Hindi mo hahayaan na ako'y lamukin
Lahat ng pag-aalaga ay iyong gagawin.

Sa aking paglaki nasaksihan ko
Ang iyong hirap pati lahat ng sakripisyo
Kahit kailan hindi narinig ang iyong pagsuko
Kahit na nga ang palad ay nangapal na sa kalyo.

Natatandaan ko pa nung munti pang bata
Walang kaming baon na papasok sa eskwela
Ang pangungutang ay hindi mo inalintana
May maibigay lang sa mga anak mong sinta.

No'ng makita ko yun sinabi ko sa sarili
Kapag ako'y nagkatrabaho kapag ako'y lumaki
Hindi na yun hahayaan na maulit pang muli
Darating ang araw kami sa iyo'y magsisilbi.

Puso mo'y dinurog nung makitang ako'y umiiyak
Dulot ng pag-ibig ang hatid sa akin ay masaklap
Wala kang nagawa kundi sa akin ay yumakap
Pinisil aking kamay at sa akin ay nahabag.

Hndi ka ipagpapalit sa lahat ng sinuman
Mawala na silang lahat,manatili ka lamang
Walang katumbas ang humilig sa 'yong kandungan
Tila isang sanggol noong ako'y nasa ugoy ng duyan.

*-*-*-*-*-*-*-*-*-*

Bayani Ka!



Hirap at sakripisyo mo'y walang katulad
Yaman sa mundo ay hindi mo hinangad
Kaagapay ka sa pagbuo ng mga pangarap
Pinupuno mo ng pag-asa,hatid mo'y liwanag.

Sa maghapong pagtuturo di mo inalintana
Pumaos man ang boses,pakiramdam man ay sumama
Lalong manlulumo kapag hinugot ang bulsa
Pamasahe pag-uwi kumakalansing na barya.

Pagdating mo sa bahay ay hindi pa dun natatapos
Pag-aasikaso sa pamilya kahit katawan man ay nauupos
Walang kapantay ang pagsisilbi mong lugod
Sa iyong asawa't anak masayang naglilingkkod.

Salat ka man sa pangngailangang pinansiyal
Tukso sa salapi ay di ka nagpapakahangal
Pinatutunayan mo na ang guro ay may dangal
Hindi mo man sila kasing-yaman,ngunit malinis at marangal.

Lahat ng estudyante na dumaan sa iyong mga kamay
Anuman ang narating,nabigo man o nagtagumpay
Hindi lahat sila ay magbabalik at mag-aalay
Ng pasasalamat sa kaalamang ibinahaging mong tunay.

Sana ngayong Setyembre ay maalala ka
Ng mga estudyante minsan mong kinalinga
Sa buwang ito,ang guro ay dinadakila
Saan mang pulo at panig ng bansa.

Happy Teacher's Month!