Sunday, August 12, 2012

Ang Nalimutang Paraiso


Sa dulo ng dagat aking naririnig
Hampas ng alon tila ba dumadaing
Sikat ng araw sa ibabaw ng tubig
Mayroong pait sa nakapapasong init.

Buhat dito  akin ding natatanaw
Ngiti ng langit ay tila ba pumanglaw
Ngayon ang dilim ay tunay na ngang inagaw
Ang ligaya sa kulay niyang mabughaw.

Napansin ko din na tila napagod na
Sa kasasayaw ang bulaklak na pula
Daiti ay may kulay ngunit bakit namutla?
Nahan nang aliw na dulot mong kaysaya?

Din na rin umimik ang hanging maingay
Nawala ang sigla at tila nanamlay
Hampas ng hangin sa puno  na dati'y  kumakaway
Ngayo'y lagas sa sangang namatay.

Dumating na ang araw na kailangan ng lisanin
Ang paraisong minsang kumupkop sa akin
Sa maraming taon sa kanya lumilim
Alaalang dapat ng limutin.

No comments:

Post a Comment